Cauayan City, Isabela- Bago matapos ang taong 2020 ay bininyagan na ang tatlumpu’t anim (36) na mga bata na anak ng mga dating rebelde at katutubong Agta sa mismong kampo ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Pinangasiwaan ito ni Rev. Fr. Elmer Lozano, Parish Priest ng St. Tomas Aquinas ng San Mariano kasabay na rin ng kanyang ika-57 na kaarawan kung kaya’t inilibre na ang baptismal fee ng mga bata.
Sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Major Jekyll Dulawan, acting Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, PA, kanyang sinabi na pamilya na ang turing ng mga kasundaluhan sa mga ito kaya’t sinusuportahan at ibinibigay ang mga tulong na kanilang kinakailangan.
Gusto aniyang iparamdam ng mga sundalo ang totoong pagmamahal at pagtulong sa mga dating rebelde.
Naging saksi naman sa pagbibinyag sa ilang mga bata ang ilang mga opisyal ng 95th IB, hepe ng PNP San Mariano at ilan pang mga kasapi ng pulisya maging ang ilang mga stakeholders ng San Mariano.