Friday, March 6, 2026

Anti-Political Dynasty Bill na “mema lang,” hindi dapat ipasa—De Lima

Binawi ni Rep. Leila de Lima ang kanyang suporta at pagiging may-akda sa substitute bill ukol sa Anti-Political Dynasty na inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Si De Lima ay House Senior Deputy Minority Leader at kinatawan ng Mamamayang Liberal Party -list.

Giit ni De Lima, hindi dapat maging “mema lang” o basta maisabatas ang panukala habang patuloy pa ring umiiral at namamayagpag ang iilang pamilya sa pamahalaan.

Ayon sa kanya, apat na dekada nang itinutulak ng 1987 Constitution of the Philippines ang pagpigil sa political dynasty, kaya nakakadismaya umano na ang inaprubahang substitute bill sa antas ng komite ay tila nag-i-institutionalized o hinahayaan lamang na magpatuloy ang mga dinastiya sa pulitika.

Dahil dito, nanawagan si De Lima na ipasa ang isang tunay na Anti-Political Dynasty Law na epektibong bubuwag sa mga political dynasty.

Kasabay nito, inihayag din ni De Lima ang paninindigan ng Liberal Party para sa isang makabuluhang Anti-Dynasty Law na tutupad sa pangako ng Konstitusyon.

Tiniyak ng partido na tututulan nila ang naturang substitute bill kapag umabot na ito sa plenaryo ng House of Representatives of the Philippines.

Binanggit din ni De Lima na para sa Liberal Party, ang isang Anti-Dynasty Law na “walang ngipin” ay mas masahol pa kaysa sa kawalan ng batas dahil ibinebenta ito sa publiko bilang reporma, ngunit sa katotohanan ay nagiging legal shield lamang ito para sa mga makapangyarihang angkan.

Facebook Comments