Apat sugatan sa shooting incident ng Toronto Raptors victory party

Image via Raptors page

Natuloy pa rin ang victory party ng Toronto Raptors sa kabila ng insidenteng pamamaril na ikinasugat ng apat na tao ngayong araw, oras sa Pilipinas.

Nangyari ang pamamaril malapit sa City Hall square kung saan ginaganap ang selebrasyon ng Raptors kasama si Canadian Prime Minister Justin Trudeau at iba pang opisyales mula sa pamahalaan. Ilang oras naantala ang parada dahil biglang nagkagulo ang publiko.

Habang nasa stage sina Trudeau at NBA Finals MVP Kawhi Leonard at iba pang manlalaro, hinimok ng emcee manatiling kalmado ang mga tao dahil sinisiyasat maigi ng otoridad ang insidente.


Sa Twitter post ng Toronto Police, tiniyak nilang maayos ang lagay ng apat na biktima kahit matindi ang tinamong tama.

Samantala, pinasalamatan ni Trudeau ang mabilis na pagresponde ng Toronto Police. Aniya, walang sinuman makakapigil sa selebrasyon ng bansa.

Pakiusap ni City Councillor Joe Cressy, huwag sirain ang masayang pagdiriwang ng madla at ng NBA Finals Champion team.

Kasalukuyan iniimbestigahan ang tatlong taong naaresto. Humihingi din ng tulong ang pulisya sa mga taong nasaksihan o nakuhanan ng video ang malagim na pangyayari.

Facebook Comments