Armas Pandigma ng NPA, Narekober ng 77th IB sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Narekober ng tropa ng 77th Infantry Battalion ang ilang armas pandigma na pagmamay-ari ng New People’s Army sa Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan noong August 30, 2022.

Kabilang sa mga narekober ang apat (4) na Rifle Grenade; anim (6) piraso ng revolver; isang (1) piraso ng homemade caliber 22; isang (1) piraso ng homemade barrel para sa shotgun; isang (1) piraso ng homemade barrel para sa caliber 45; siyam (9) piraso ng 5.56mm ammunitions; anim (6) piraso ng 5.56mm linked ammunitions; anim (6) piraso ng 7.62mm ammunitions; pitong (7) piraso ng 9mm ammunitions; isang (1) piraso ng Magnum Caliber 22 ammunition; pitong (7) piraso ng Magnum Caliber 38 ammunitions; isang (1) piraso ng Caliber 38 ammunition; at apat (4) piraso ng empty shells ammunition.

Kasama rin sa mga nakumpiska ang ilang subersibong dokumento gaya ng Gabay sa Diskursyon Materyalismong Diyalektiko, Minutes ng AKP November 2018 Unang 4 na Paksa at Mga Siniping Pangungusap ng Tagapangulong Mao Tsetung, at olive-green t-shirt.

Sa isang pahayag, nagpapasalamat naman si LtC Magtangol G Panopio, 77IB Battalion Commander, sa mga residente ng Barangay San Miguel na nagpaabot ng impormasyon kaugnay sa presensya ng terrorist group sa komunidad.

Ayon pa kay Panopio, ang pagkakadiskubre ng mga armas ay malaking tulong sa pagwawakas ng local communist armed conflict.

Hinimok naman ng opisyal ang publiko na magkaisa sa kampanya laban sa insurhensiya.



Labis naman ang pasasalamat ng mga residente sa lugar sa mabilis na pag-aksyon ng kasundaluhan sa kanilang ipinarating na impormasyon.

Samantala, nai-turn over na sa 77IB headquarters ang mga nakumpiskang armas para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments