Kinain ng isang aso ang kasama nitong pusa sa bahay dala ng matinding gutom matapos iwanan ng amo at madiskubre lamang ng awtoridad 10 araw na ang nakalipas.
Sinintensyahan ang 29-anyos na si Tiffany Guest mula sa United Kingdom, ng 18 linggong pagkakakulong kaugnay ng ginawang pagpapabaya sa mga alagang hayop, ayon sa South News West Service.
Batay sa ulat, lumipat ng tirahan si Guest at iniwan sa apartment ang asong si Kray, at dalawang pusang sina Reggie at Ronnie noong Mayo 20, 2017.
Napag-alaman lamang ng pulisya ang sitwasyon ng mga hayop 10 araw makalipas, Mayo 30, matapos makatanggap ng sumbong mula sa mga kapitbahay.
Naabutang buhay ngunit nangangayat ang asong si Kray, habang namatay naman sa gutom ang pusang si Reggie.
Ayon sa awtoridad, nabuhay lamang si Kray dahil kinain nito ang isa pang pusang si Ronnie matapos maubos ang mga puwedeng makain sa basurahan.
Nahanap si Guest sa kanyang pinagtatrabahuan ilang milya lang mula sa iniwang apartment, pero lumipad ang amo sa Malta para tumakas.
Noong nakaraang taon, umuwi ang suspek sa UK at agad inaresto, ngunit pinayagan din itong mag-piyansa kaya bumalik sa Malta.
Muling inaresto ang suspek nito lamang Oktubre 10 pagkabalik sa UK at sa pagkakataong ito, sinintensyahan na ng 18 linggong pagkakakulong.
Bukod dito, pinagbawalan din siyang mag-alaga ng mga hayop sa loob ng 15 taon.
Sinabi naman ng inspektor ng Royal Society for the Prevention of Cruelty to Animals (RSPCA) na hindi niya lubos maisip ang dinanas ng mga hayop at ang takot ni Kray nang mamatay sa harap niya ang dalawang pusa.
Gayunpaman, naging mabuti naman daw ang pagpapagaling ng aso na nadagdagan na ng timbang makaraan lamang ang dalawang linggo sa RSPCA.
RELATED STORIES:
Tatay sa China, binugbog ang aso ng anak dahil sa malaking bayarin sa beterinaryo
Australian national, arestado sa brutal na pagpatay ng aso sa Cebu
Aso sa Davao City, patay sa saksak ng pulis na natalo sa sugal