BRAZIL – Hindi na naisalba pa ang buhay ng dalawang sanggol matapos lapain ng alagang aso ng kanilang mga magulang dahil umano sa selos.
Sa report ng The Sun, iniwan sa kwarto ni Elaine Novais,29, ang 1-buwag-gulang na kambal na sina Anne at Analú kasama ang alagang Labrador-Foxhound mix noong Hunyo 23 para kausapin ang bisitang kapitbahay.
Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig ito ng iyak mula sa kwarto at natagpuan niyang inaatake na ng aso ang dalawang bata.
Agad niyang hinila palayo ang alaga kung saan tumambad ang matinding pinsala sa tiyan ng mga anak.
Hindi naman nag-atubiling tumulong ang noo’y bisita niya na isang nurse assistant para maisugod sa ospital ang mga kawawang bata.
Ngunit sa kasamaang-palad, idineklarang patay ang mga ito, dahilan para mawalan ng malay ang kanilang ina.
Ayon sa ulat, limang taon nang alaga ng mag-asawang Novais ang aso at maari umanong nakaramdam ito ng selos nang dumating sa buhay nila ang kambal.
Madalas na raw kasi itong hindi napapansin at hindi na nabibigyang atensyon gaya ng ginagawa ng kanyang mga amo noon.
Matinding pinsala at sugat ang ikinasawi ng isa sa mga bata habang cardiac arrest naman ang kanyang kakambal.
Labis na ikinalungkot ng mag-asawa ang pagkawala ng mga anak na ayon sa report ay siyam na taon umano nilang hinintay.
Dalangin naman ng naturang kapitbahay na hindi mauwi sa depresyon para sa mag-asawa ang nangyaring trahedya.