
Nilinaw ni Atty. Levi Baligod na itinuturing na potential witnesses ng National Bureau of Investigation (NBI), at hindi mga suspect, ang 18 dating marines na kanyang mga kliyente.
Ayon kay Baligod, naghahanda rin ang mga dating sundalo ng mga ebidensya kaugnay ng umano’y pagtanggap ng male-maletang pera ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Posible aniyang bumalik sa NBI ang grupo sa susunod na linggo upang magsumite ng karagdagang mga dokumento at supporting evidence na may kaugnayan sa kanilang exposé.
Kinuwestiyon din ni Baligod ang desisyon ng NBI na isa-isang i-interrogate ang mga dating sundalo sa halip na padalhan ng subpoena ang mga opisyal na nabanggit sa kanilang exposé.
Sa kabila nito, tiniyak ni Baligod ang kanilang pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI bilang patunay na wala silang itinatago.










