Tuesday, March 10, 2026

BAGONG HALAL NA STUDENT LEADERS SA DAGUPAN CITY, NANUMPA SA TUNGKULIN

Nanumpa na sa kanilang tungkulin ang mga bagong student leaders ng Dagupan City sa ginanap na Oath-Taking Ceremony ng Division Federated Supreme Elementary Learner Government (DFSELG) at Division Federated Supreme Secondary Learner Government (DFSSLG) para sa School Year 2026–2027 sa Teen Center ng lungsod.

Dinaluhan ang programa ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, Department of Education, at iba pang katuwang na tanggapan na nagpahayag ng suporta sa mga bagong lider ng kabataan.

Sa mensahe ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez sa mga mag-aaral, hinikayat ang mga bagong halal na student leaders na pamunuan ang kanilang kapwa mag-aaral nang may katapatan, disiplina, at paggalang.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mga lider na marunong makinig, mag-isip nang maayos, at gumawa ng tamang desisyon lalo na sa panahon ng mga hamon.

Patuloy naman ang pangako ng lokal na pamahalaan na suportahan ang mga programa para sa kabataan kabilang ang edukasyon, scholarship, at iba pang youth development initiatives upang mahubog ang susunod na henerasyon ng mga lider sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments