BAHAY NG EX-KAPITAN, MASWERTENG ‘DI NAABO

Cauayan City, Isabela- Maswerteng hindi natupok ng apoy ang buong bahay ng isang dating barangay Kapitan ng Minante Dos, Cauayan City, Isabela matapos sumiklab ang apoy sa loob ng kanyang bahay dakong alas tres ng hapon nitong Miyerkules, Abril 14, 2022.

Sa panayam ng iFM Cauayan sa may-ari ng bahay na si Ex-Captain Danilo Agsunod, malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos dahil bahagya lamang ang sunog sa kanyang bahay kung saan tanging ang Cabinet lamang nito ang nasunog kasama ang mga lamang handheld radio, plato at iba pang gamit.

Wala sa bahay ang dating Kapitan nang mangyari ang insidente at itinawag lang ito ng kanyang Apo habang siya ay namamalengke sa Poblacion Cauayan.

Bago mangyari ang insidente, may tatlo umanong mga bata ang naglaro sa loob ng bahay at kalauna’y umalis din ang mga ito kasama ang Apo ng dating Kapitan.

Nang umuwi ang apo ay dito na umano nakita na umuusok ang Cabinet at nasusunog ang limang nakatagong handheld radios dito.

Agad namang naapula ang apoy sa tulong ng kanilang kapit bahay at ng mga rumespondeng bumbero.

Iniimbestigahan na ng BFP ang pinagmulan ng sunog.

Ayon pa sa dating Brgy. Chairman, tinatayang nasa P6,000 ang halaga ng pinsala ng sunog.

Facebook Comments