Bahay ng Isang Tindero, Nasunog!

Cauayan City, Isabela- Isang bahay ang nasunog pasado alas diyes ng umaga ngayong araw, April 21, 2018 sa Purok tres, Albano Street, Cauayan City, Isabela.

Ang bahay ay pagmamay-ari ni ginoong Ernesto Daguro, tindero at residente ng naturang barangay.

Sa panayam ng RMN Cauayan News kay FO1 Melvin C. Manicad ng BFP Cauayan City, hindi pa umano nila matukoy kung ano ang pinagmulan ng sunog subalit batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumabas umano sa kusina ang anak ni ginoong Ernesto na si Catherine matapos itong magluto nang pumasok naman sa kusina ang kapatid nito na may hawak na lighter at possible umanong naglaro ito ng apoy.


Aniya, napansin umano ng isang kapitbahay ni ginoong Ernesto ang nasusunog nitong bahay na agad naman umanong sumaklolo sa himpilan ng BFP subalit nang dumating na ang mga rerespondeng kinatawan ng BFP ay tupok na ang bahay.

Nasa mahigit kumulang limampung libong piso naman ang halaga ng nasunog na bahay at wala naman umanong nasaktan sa naganap na sunog.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP Cauayan upang malaman ang pinagmulan ng naturang sunog.

Facebook Comments