Ilagan City- Maluha-luhang nagsadya sa tanggapan ng PNP Ilagan ang isang lola matapos looban ng mga hindi pa nakikilalang akyat bahay kahapon Marso 5, 2018 sa Barangay Alinguigan 2nd, Ilagan Cty.
Kinilala ang biktima na si Epifania Miranda, 71 anyos, may-asawa at residente ng naturang barangay.
Batay sa nakalap na impormasyon ng RMN Cuayan News Team, iniwan umano ng biktima ang kanilang bahay ng apat na araw mula marso 1 hanggang Marso 4 at laking gulat na lamang niya nang siya’y dumating at napansing nakabukas ang pintuan ng kanilang kwarto kaya’t agad na nagreport sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigastyon ng Ilagan SOCO team, napag-alaman na nalimas mula kay Miranda ang isang pares ng hikaw na nagkakahalaga ng labing apat na libong piso, dalawang piraso ng singsing na may halagang 10,000 pesos, tatlong pirasong kuwintas na may halagang 30,500 pesos, dalawang pirasong bracelet na nagkakahalaga ng 13,500 pesos at mga relo na nagkakahalaga ng 5,000 pesos.
Sinira din umano ng mga suspek ang bintana ng kanilang kuwarto kung saan ay ginamit nila itong daanan sa pagtakas.
Patuloy pa rin ang pag-iibestiga ng PNP Ilagan sa naganap na insidente upang mapatawan ng kaukulang parusa ang mga madadakip na suspek.