Cauayan City, Isabela- Nagtapos na ang unang batch ng mga sumailalim sa 14-days strict quarantine sa ilalim ng ‘Balik Probinsya’ program ng pamahalaan sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, tagapagsalita ng pamahalaang panlungsod, halos dalawang Linggo nang sinimulan ang naturang programa ng pamahalaan kung saan natapos na sa strict quarantine ang 13 seafarers na kinuha sa Metro Manila.
Sumailalim muli ang mga ito ng 14-days quarantine sa mga itinalagang quarantine area sa Lungsod pagkatapos ng kanilang 14-days quarantine sa Maynila.
Sinagot ni City Mayor Jay Diaz ang transportasyon, pagkain at mga pangangailangan ng mga ito habang sumasailalim sa strict quarantine.
Mayroon din inilaan ang pamahalaang panlungsod na iba pang quarantine facility para sa iba pang mga uuwi sa Lungsod mula sa Metro Manila at sa ibang mga probinsya na na-stranded dahil sa lockdown maging ang mga uuwing OFW’s.
Pinapayagan namang bisitahin ng mga kaanak ang mga dadalhin sa quarantine site subalit oobserbahan pa rin ang protocols sa COVID-19.
Sa mga iba pang na-stranded na residente ng City of IIagan na makipag-ugnayan kay City Mayor Diaz upang maaksyunan at matulungang makabalik sa Lungsod.