Pinalawig pa rin ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang ban o ang pagbabawal sa pagpasok ng mga poultry at pork meat products bilang pagprotekta ng probinsya sa mga banta Avian Flu at ASF mula ika-3 ng Marso hanggang ika-30 ng Hunyo, 2023.
Nito lamang ika-2 ng Marso, taong kasalukuyan, muling naglabas ng dalawang memorandum ang pamahalaan kung sa bisa ng Executive Order No. 0015, Series of 2023 isang kautusang nagpapalawig pa rin sa ban o bawal ang pagpasok ng buhay na baboy at pork by-products mula sa mga probinsya ng Tarlac, Bulacan, Pampanga, Nueva ecija at iba pang red zone sa probinsya ng Pangasinan.
Bukod dito, inilabas din ang memorandum na Executive Order No. 0016, Series of 2023 na nagbabawal sa pagpasok ng mga poultry products gaya na lamang ng pato, quails, spent hens (culled), hatching eggs, pigeons, gamefowls at ready to lay pullet(rtl) kung saan kabilang din dito ang paggalaw ng iba pang mga poultry birds at by products mula sa (18) probinsya ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Sultan Kudarat, Benguet, North Cotabato, South Cotabato, Maguindanao, Isabela, Quezon, Kalinga, Aurora, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Capiz, Batangas sa loob ng probinsya ng Pangasinan.
Samantala, ayon sa mga memorandum, kahit wala pa umanong naitalalang mga kaso ng Avian Influenza o ang ASF ay kailangan pa rin umano na palawigin ang ban sa pagpasok sa mga ito dahil sa patuloy na pagkakaroon ng mga sakit ng mga hayop sa mga probinsyang nabanggit upang maprotektahan ang mga produkto maging ang kaligtasan ng Pangasinense.
Bilang aksyon sa paghihigpit ng mga awtoridad ay kanilang papaigtingin ang pagbabantay sa mga border checkpoints upang masiguro na ligtas ang mga dumarating na produkto sa probinsya.
Bukod dito ay mahigpit ding binabantayan at iniinspeksyon ng mga City at Municipal Veterinary at Agriculture ang mga karnehan sa mga bayan-bayan upang masuri ang mga inilalakong mga karne bilang ligtas at maaaring ikonsumo ng mga mamimili.|ifmnews
Facebook Comments