Bangkay ng Isang Lalaki na may mga tama ng bala, Narekober sa San Mariano, Isabela!

San Mariano, Isabela- Isang bangkay ng lalaki na may mga tama ng baril sa katawan ang natagpuan kaninang umaga ng mga residente ng Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang narekober na biktima na si Eddie Baraquio Bulan, 45 anyos, byudo at residente ng Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng PNP San Mariano, Isabela na bandang gabi noong Disyembre disi syete naganap ang umano’y pamamaril sa biktima at nakita lamang ng mga residente kinaumagahan sa gilid ng lansangan patungong Barangay Panninan ng bayan ng San Mariano.


Agad namang inereport ng Brgy. Captain ng Gangalan na si Romeo Turingan sa himpilan ng pulisya ang nakitang bangkay na agad namang nirespondehan ng mga pulis.

Napag-alaman na nagtamo ng walong mga tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima gamit ang caliber 45 na baril.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong piraso ng empty shells ng Caliber 45 at dalawang bala ng Caliber 45.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments