Nilinaw ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na out of exasperation o dala ng pagkakonsumi ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapaaresto niya ang mga ayaw magpabakuna kontra COVID-19.
Sabi ni Go, paraan lang ito ni Pangulong Duterte para mahikayat ang mayorya ng Pilipino na magpabakuna na upang makamit ang population protection at herd immunity.
Paliwanag pa ni Go, pinaghirapan ng pamahalaan na magkaroon ng bakuna ang bansa anuman ang brand para maproteksyunan ang mamamayan mula sa virus.
Hindi din naiwasan ni Go na maglabas ng saloobin kung saan noong wala pang bakuna ay may mga naghahanap ng bakuna habang ngayong mayroon ng mga COVID-19 vaccine ay kinukwestyon naman ang brand ng iba.
Kaugnay nito ay muling hinikayat ni Go ang sambayanan na huwag matakot sa bakuna at magtiwala sa gobyerno dahil ginagawa nito ang lahat para makabalik sa normal ang ating mga buhay.