Nanawagan ang grupong “Bantay Bigas” sa gobyerno na bigyan ng direktang subsidiya ang mga magsasaka ng palay para matulungan silang makayanan ang tumataas na gastos sa produksyon ng palay.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, dapat magkaroon ng P15,000 na direct subsidy mula sa pamahalaan ang mga magsasaka para matustusan ang gatsos nila sa fertilizer o pataba.
Aniya, hindi sapat ang P10 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng Rice Tariffication Law para makatulong sa mga magsasaka.
Giit pa ni Estavillo, sa kabila ng mataas na gastos sa produksyon ay ibinebenta pa rin ng mga magsasaka ng palay ang kanilang ani sa mas mababang presyo dahil sa pagdagsa ng mga inangkat na bigas.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng P5,000 na tulong pinansyal sa mga magsasaka na nagbubungkal ng dalawang ektarya ng lupa at pababa.