Cauayan City, Isabela- Nanindigan ang kapitan ng Barangay San Pablo sa bayan ng San Mariano, Isabela na legal ang mga nakaimbak na kahoy na pagmamay-ari pala ng kanyang ina ng kumpiskahin ito ng mga otoridad kasama ang CENRO Naguilian.
Ayon kay Kapitan Nestor Lorenzo, gagamitin ang mga kahoy sa pagpapagawa ng bahay ng kanyang ina na matagal ng plano na maipaayos ng kanyang mga kapatid na nasa ibang bansa.
Giit niya, hindi niya compound kung saan nakumpiska ang mga kahoy taliwas sa inihayag ng mga otoridad na kanya itong pag-aari.
Paliwanag ng opisyal, binili ng kanyang ina ang nasabing mga kahoy sa isang hardware ng Barangay Macayucayu at sinasabing pirmado ng isang foreman kaya’t humingi din sila ng abiso mula sa DENR at pulisya na pinayagan ang pag-imbak ng mga ito dahil sa importanteng paggagamitan.
Ayon pa sa kapitan, may mga dokumento silang hawak na magpapatunay ng legalidad ng kahoy ng matagpuan ito sa lumang bahay gaya na lamang ng sertipikasyon mula sa DENR.
Hindi na nagpahayag pa ng komento ang opisyal sa usap-usapang pamumulitika umano ang nangyaring pagkumpiska sa mga kahoy ng mga otoridad.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng DENR hinggil sa insidente habang nasa pangangalaga na ng CENRO ang mga nakumpiskang kahoy.