Batanes, Lalong Naghigpit Matapos Makapagtala ng COVID-19 Case

Cauayan City, Isabela- Lalong pinaigting ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes ang pagpapatupad sa mga guidelines kontra sa COVID-19 matapos makapagtala ng isang (1) kauna-unahang nagpositibo.

 

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, PDRRM Officer ng Batanes, agad na nagbaba ng direktiba si Governor Marilou Cayco na higpitan ang pagpapatupad ng health and safety protocol sa Lalawigan upang ma-contain at hindi na kumalat ang virus.

 

Nagsimula ang paghihigpit sa lalawigan ngayong araw, September 30, 2020 at magtatapos hanggang October 13, 2020 kung saan ay lalong hinigpitan ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoint upang matiyak na walang makakapasok na hindi dumaan sa tamang proseso.


 

Ayon kay Ginoong Esdicul, dumaan naman sa health protocol ang isang lalaking nagpositibo at agad namang idineretso sa quarantine facility ng pamahalaang panlalawigan nang siya ay dumating noong September 22 sa pamamagitan ng Philippine Air Force (PAF).

 

Natukoy rin agad ang mga nakasalamuha at nakasabayan nitong mga LSI’s kung saan ilan sa mga ito ay nagnegatibo sa swab test.

 

Gayunman, isasailalim pa rin aniya sa swab test ang mga humarap at umasikasong frontliner sa pasyente upang matiyak na ligtas ang mga ito sa COVID-19.

 

Paalala naman nito sa buong mamamayan ng Batanes na makiisa at sumunod sa mga guidelines at safety protocols na pinaiiral sa ECQ upang makaiwas sa banta ng nakamamatay na sakit.

Facebook Comments