Batang pinaghahampas ng bato sa ulo, pumanaw na; kaso laban sa suspek, iaakyat sa murder

Manila, Philippines – Iaakyat na sa kasong murder ang isasampa laban sa lalaki matapos pumanaw ang batang pinaghahampas nito ng bato sa ulo sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

 

Mahigit 20 oras nakipaglaban sa kanyang buhay ang walong taong gulang na bata na biktima ng pagmamaltrato mula sa suspek na si Rogelio Barcena, 32-anyos.

 

Lumabas na may namuong dugo sa ulo ng biktima matapos paghahampasin ng suspek gamit ng malalaking tipak ng bato.

 

Nag-ugat ang insidente matapos asarin at kutyain ng biktima ang suspek.

 

Sa ngayon, wala pang kaanak ang dumadalaw  sa biktima, dahil wala pang pagkakakilanlan ang bata ay papangalanan itong ‘totoy.’

 

Ayon kay Quezon City Police District Station 6, Chief Station Investigation & Detective Management Branch, Chief/Insp. Nilo Padulaga – hindi rin nila mahagilap ang mga kaanak ng biktima.

 

Mananatiling nakakulong ang suspek kung hindi aniya ito magpapiyansa.

 

Bukod sa kasong murder, nahaharap ang suspek sa illegal possession of bladed weapons matapos makumpiskahan ng patalim.

 

Sa kabila ng pangyayari, tila hindi pinagsisisihan ng suspek ang ginawa nitong krimen.


Facebook Comments