Kamay ng bata, naiipit sa escalator sa isang mall sa Maynila

Manila, Philippines – Naipit ang kamay ng isang batang lalaki sa escalator ng isang mall sa lungsod ng Maynila.

 

Sa kuhang video, hindi tumitigil sa kakasigaw ang isang ina nang maipit ang kamay ng kanyang apat na taong gulang na anak sa escalator ng SM San Lazaro.

 

Mabuti na lamang ay may isang lalaki ang agad pumindot ng emergency stop button kaya tumigil ang escalator.

 

Sa pahayag ng SM supermalls, mabilis na nakaresponde ang kanilang mga tauhan para masagip sa pagkakaipit ng kamay ang batang lalaki na agad na idinala sa ospital.

 

Ayon kay Bong Oyteza, isang safety expert – kailangan ng karagdagang alerto at pag-iingat kapag may mga batang kasama sa escalator maging sa mga elevator.

 

Maging mapanuri rin aniya sa mga susuutin na maaring maipit sa escalator.

 

Samantala, nakalabas na ng ospital ang bata habang hindi na rin naghain ng reklamo ang ina ng biktima.


Facebook Comments