Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng unang kaso ng corona virus ang Bayan ng San Mariano, Isabela matapos magpositibo ang isang 31-anyos na lalaki na kabilang sa mga Locally Stranded Indivduals (LSI) na umuwi sa ilalim ng ‘Balik-Probinsya Program’ ng pamahalaan.
Ayon kay Mayor Edgar ‘Bobot’ Go, bumiyahe ang pasyente ng madaling araw ng June 7 at dumating ng bandang 4:00 ng hapon sa parehong araw.
Agad na idiniretso ang pasyente sa quarantine facility ng bayan sa Brgy. Alibadabad.
Dagdag pa ng alkalde,nagkaroon ng hirap sa paghinga ang pasyente at nakaranas ng kawalan ng pang-amoy, panlasa at pagkalagnat.
Samantala, kinumpirma din ni Go na hindi na dumiretso sa Brgy. Mallabo ang pasyente dahila agad itong idiniretso sa nakalaang quarantine facilities.
Isasailalim naman sa swab test ang mahigit sa 10 frontliners ng MHO San Mariano na nakahalubilo at sumundo sa pasyente noong Hunyo 7.
Panawagan naman ng alkalde na hindi dapat mangamba ang publiko dahil nagsasagawa na sila ng hakbang ukol dito.