
Inihain ni Senadora Loren Legarda ang panukalang Bayanihan Law 3 na layong bigyan ng emergency powers ang pangulo sa gitna ng nararanasang energy crisis.
Sa Senate Bill No. 2020 o ang Bayanihan 3: Power to the People Act, bibigyan ang pangulo ng targeted emergency powers upang maibaba ang presyo ng enerhiya, mapanatili ang sapat na suplay sa bansa, at makapaglatag ng pundasyon para sa matatag na ekonomiya.
Sa panukala ni Legarda, pagkakalooban ng awtorisasyon ang pangulo na utusan ang Department of Energy (DOE) na i-regulate at pangasiwaan ang oil industry, magpatupad ng temporary price control, at magsagawa ng emergency procurement ng petrolyo para sa pag-iimbak ng suplay.
May kapangyarihan din ang pangulo na utusan ang Department of Finance (DOF) na suspendihin o bawasan ang excise tax at value-added tax (VAT) sa petrolyo at iba pang produkto tulad ng gamot. Maaari rin niyang utusan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na repasuhin ang batayan ng electricity bills.
Nakasaad din sa panukala ang pansamantalang pagtaas ng buwis sa sobrang kita at kontribusyon mula sa mga pinakamayayamang indibidwal, luxury goods, at mga public utilities na kumikita nang malaki.
Dagdag pa sa Bayanihan 3 ang pagkakaloob ng direktang subsidiya sa krudo mula ₱5,000 hanggang ₱10,000 kada buwan para sa mga kwalipikadong tsuper, magsasaka, mangingisda, at maliliit na tagapaghatid ng mga produktong agrikultural.










