Bentahan ng Paputok sa Cauayan City, Isabela, matumal!

*Cauayan City, Isabela- *Matumal pa rin sa ngayon ang bentahan ng paputok sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Edwin Asis, consultant ng dalawampu’t dalawang (22) firecracker vendors ng Cauayan City, Isabela, sanhi ito ng tuloy-tuloy na pag-ulan, pag-ambon at ang patuloy na panawagan ng mga otoridad hinggil sa pag-iwas sa paggamit ng paputok.

Kaugnay nito ay umaasa pa rin ang mga nagtitinda ng paputok na hindi sila malulugi dahil inaasahang magsidagsaan ang mga mamimili ngayong hapon.


Karamihan aniya sa mga ibinebentang paputok ng mga firecracker vendors sa Lungsod ng Cauayan ay mula pa sa Bulacan.

Naka alerto na ang mga kasapi ng BFP Cauayan City, PNP, POSD at iba pang Team na naatasan sa pag-iinspeksyon at pagbabantay ng seguridad para sa pagsalubong sa bagong taon.

Pinaalalahanan naman ni ginoong Asis ang mga mamimili na gamitin ng tama ang mga bibilhing paputok at huwag bumili ng mga ipinagbabawal na paputok upang maiwasan ang hindi inaasahang insidente at makamtan rin ang inaasam na zero firecracker-related injuries at casualties sa pagsalubong sa 2019.


Facebook Comments