Thursday, March 5, 2026

BFP Fire Chief, sinampahan ng kasong katiwalian sa Ombudsman

Nagsampa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Jesus Fernandez, Fire Chief ng Bureau of Fire Protection (BFP), kaugnay ng umano’y katiwalian.

Ayon sa DILG, tumanggap umano si Fernandez ng mahigit ₱14 milyon na kickback mula sa isang supplier ng BSL para sa procurement ng 132 ambulansya.

Batay sa imbestigasyon, lumapit umano ang supplier sa isang automotive company para sa joint venture upang makasali sa procurement process. Nakumbinsi nito ang kumpanya na maging awtorisadong bidder sa ilalim ng kanilang pangalan.

Sa unang payout, nakipagkita umano ang supplier kay Fernandez sa isang restaurant sa Quezon City, kung saan tumanggap ang Fire Chief ng isang suitcase at bag na naglalaman ng ₱6 milyon at mahigit ₱4.7 milyon.

Sa ikalawang payout, muli umanong nagkita ang dalawa at tumanggap ang BFP chief ng luggage na may lamang ₱4 milyon.

Kinumpirma umano ng isang empleyado ng supplier ang panunuhol.

Ayon sa DILG, inamin nito na nasaksihan niya ang mga pagkikita at siya rin ang naglagay ng pera sa mga bag na ibinigay kay Fernandez.

Dahil dito, nagsampa ang DILG ng patung-patong na reklamo laban kay Fernandez, kabilang ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, malversation, at conspiracy.

Sasampahan din ng reklamo ang supplier at iba pang tauhan ng BFP na kasalukuyan pang kinikilala ng DILG.

Bukod dito, hiniling ng DILG sa Ombudsman ang agarang pagpataw ng preventive suspension laban sa Fire Chief.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, simula pa lamang ito ng kanilang hakbang sa paglilinis ng hanay ng BFP.

Facebook Comments