
Sisikaping tapusin ng bicameral conference committee hanggang mamayang gabi at kahit hanggang madaling araw ang deliberasyon ng ₱6.793 trillion na 2026 national budget.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate panel sa bicam, target nilang tapusin ang pagresolba sa mga contentious issues sa budget partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagtutulungan na aniya ang mga technical staff ng Senado at DPWH para sa recomputation ng mga infrastructure projects para sa hiling na maibalik ang ₱45 billion na tinapyas na pondo sa ahensya.
Sinabi naman ni bicam Co-Chairperson Cong. Mikka Suansing, natapos nang talakayin ang 20 mga ahensya hanggang kaninang madaling araw at nasa 11 na lamang na government agencies ang kailangan nilang aprubahan mamaya.
Sinisikap ngayon ng Senado at Kamara na masolusyunan ang mga pagkakaiba sa budget ng dalawang kapulungan upang maipadala ito agad sa Malakanyang, mapag-aralan ng pangulo at malagdaan ito bago matapos ang taon.
Muling magpapatuloy ang bicam meeting ngayong alas kwatro ng hapon sa PICC.









