Gagamit ng isang stratehiya ang Philippine National Police (PNP) para sa Buhay Ay Ingatan, Droga Ay Ayawan (BIDA) campaign.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PCol, Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP na kung dati ay supply reduction ang tinutukan sa kampanya laban sa iligal na droga, ngayon ay demand reduction.
Hihiling aniya sila ng tulong sa mga lokal na pamahalaan, learning institutions, mga pamilya at komunidad upang isulong ang rehabilitasyon sa mga gumagamit ng iligal na droga.
Malaking tulong aniya ang magagawa ng mga lokal na pamahalaan dahil sila ang pwedeng makapagbigay ng alternatibong rehabilitation at community-based reformation system.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa iba pang ahensiya ng gobyerno para makapagbigay ang mga ito ng oportunidad para sa mga isasa ilalim sa rehabilitasyon at reformation.
Tutungo rin aniya ang mga pulis sa mga eskwelahan upang magsagawa ng education at awareness campaign, para maipaliwanag at maipamulat na kaagad sa mga bata at mga mag-aaral kung ano ang masamang epekto ng iligal na droga.
Sinabi ni Fajardo, makatutulong ang mga paraang ito para bumaba ang demand, mapigilan ang bentahan at kasunod nito ay bababa na ang suplay.