Umaabot na sa higit 30,000 bilang ng mga kabataan ang nagparehistro para mabakunahan kontra COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Mula sa datos na inilabas ng Manila Public Information Office (MPIO), nasa 32,178 na ang kasalukuyang bilang ng mga kabataan na nagparehistro.
Ito ay pawang mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos na pawang mga residente ng lungsod.
Nabatid na sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagpaparehistro noong Setyembre 5, 2021 kung saan hinihimok muli nila ang iba pang kabataan na magparehistro na para maturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Matatandaan na planong simulan ng gobyerno ang pagtuturok sa mga edad 12 hanggang 17 anyos sa kalagitnaan ng buwan ng Oktubre matapos makakuha ng sapat na suplay ng bakuna at kanilang uunahin ang mga may comorbidities.