Dahil sa nagpapatuloy na banta ng Coronavirus Disease (COVID-19), ramdam na sa mga paliparan na pinaamahalaan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagbagsak ng bilang ng mga pasahero sa nakalipas na halos isang buwan.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal sa kanilang monitoring mula Enero 25-Pebrero 17 2020, umabot na sa 16% ang ibinaba ng bilang ng mga pasahero sa mga international flights.
Katumbas ito ng tinatayang nasa 300,000 na pasahero mula sa iba’t-ibang international flights.
Apektado rin maging ang domestic flights at base sa datos ng MIAA, tinatayang mahigit sa 50,000 pasahero na ang ibinaba ng mga umaalis at dumadating sa mga paliparang pinamamahalaan ng MIAA.
Pero sinabi ni Monreal, na dahil sa inaprubahang partial o temporary lifting ng travel ban sa Macau at Hong Kong nagsimula na rin ang recovery ng mga apektadong flights.
Sa datos ng MIAA, ang regular na inbound at outbound passengers sa terminals 1, 2, 3 at 4 noong 2019 ay pumalo sa halos 47-million.