‘Bloodless’ campaign ng administrasyon kontra kriminalidad, pinuri ng mga mambabatas

 

Pinuri ng mga kongresista ang dedikasyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mabawasan ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan sa bansa ng hindi dumadanak ang dugo.

Ikinatuwa ni House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles at House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na naipapatupad ng administrasyong Marcos ang batas nang hindi gumagamit ng extrajudicial methods o pamamaraan na labag sa batas.

Para naman kay Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, nakatulong ang pagkakaroon ni Pangulong Marcos ng malakas na ugnayan sa mga lokal na opisyal gayundin ang pagtalima nito sa international standards ng pagpapatupad sa batas at pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino.


Binigyang halaga naman ni Negros Occidental 3rd District Rep. Francisco “Kiko” Benitez ang pagbalanse ni Pangulong marcos sa pagpapalakas ng institusyong pang demokrasya habang iginagalang ang karapatang pantao at pinapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Batay sa datos, umaabot sa 198,617 ang napaulat na krimen sa unang taon ni PBBM na malaking pagbaba kumpara sa naitalang 295,382 na krimen noong 2017 o unang buong taon ng administrasyong Duterte.

Facebook Comments