Brgy. Kapitan, Umatras sa Pagtestigo sa isang Buybust Ops!

Cauayan City, Isabela- Ikinalulungkot ngayon ng kapulisan ang pag-atras ng isang barangay kapitan sa pagtestigo sa isang drug buy bust operation ng pulisya at PDEA Region 02 sa Barangay Pinaripad Norte, Aglipay, Quirino.

Pinakansela ni Barangay Kapitan Ma. Olga Mandac ang kanyang witness affidavit matapos nitong malaman na ka-barangay niya ang nahuli sa buybust na si Reynaldo Bicos, nasa tamang edad, empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino at kabilang sa High Value Target o HVT ng otoridad.

Nabatid na kamag-anak at ka-barangay ng Kapitan si Bicos kaya’t iniatras nito ang kanyang witness affidavit.


Matandaan na nakuhanan ng marijuana bricks, drug parapernalya, ilang pakete ng shabu at pinagbasyuhan na plastic sachet ng shabu sa loob ng kotse ni Bicos matapos isagawa ang drug buy bust operation maliban pa sa droga na narekober sa kanyang pag-iingat.

Ayon naman kay Bicos, ‘planted’ umano ang mga nakuhang ebidensya kung kaya’t naglakas loob umano ito na sampahan ang mga nagsagawa ng operasyon.

Kaugnay nito, sinampahan ng kasong Grave misconduct and conduct unbecoming of a Police Officer sa National Police Commission (NAPOLCOM) si P/Capt.William Agpalza, hepe ng PNP Aglipay at apat pa nitong tauhan ng nasabing himpilan na nagsagawa ng operasyon.

Dipensa naman ng operatiba ni P/Capt.Agpalza na lehitimo ang kanilang operasyon laban kay Bicos.

Samantala, unang nahuli si Bicos sa lungsod ng Santiago sa parehas na kaso at nakalabas lamang siya dahil sa kakulangan ng kaukulang ebidensya.

Facebook Comments