Tinawag ng Commission on Higher Education (CHED), na misleading ang napaulat na tumatanggap na ng mga estudyante para sa Doctor of Medicine program ang Bulacan State University (BulSU).
Sa isang pahayag, sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na walang CHED-approved Doctor of Medicine program ang BulSU kaya hindi pa ito maaaring tumanggap ng mga estudyante para sa 1st semester ng school year 2023-2024.
Ayon kay De Vera, kasalukuyan pa ang evaluation sa aplikasyon ng Bulacan State University College of Medicine.
Noong June 19,2023, ay sumailalim sa inspeksyon ng CHED ang College of Medicine ng BulSu kung saan may mga nasilip na ilang kahinaan o deficiencies sa departamento.
Binigyan ng hanggang July 31, 2023 ang BulSu para mag-comply sa hinihinging requirements.
Pero, humirit ang BulSu sa CHEDRO-3 ng extension para sa submission ng compliance documents.
Ang panibagong deadline ay nagtapos na noong August 11.
Sakaling makapag-comply, dadaan pa ito sa Technical Panel for Medicine, ang advisory arm ng CHED para sa kaukulang aksyon.