NMIS, bigo pa rin na mapasok ang 3-storey na gusali sa Barangay Payatas na pinaghihinalaang imbakan ng frozen meat products

Bigo pa ring makapasok ang mga tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS) at mga pulis mula sa Quezon City Police District ang tatlong palapag na gusali sa Bicol St., Barangay Payatas.

Halos anim na oras nang nakaporma ang mga awtoridad para pasukin ang loob ng gusali para makita ang imbakan ng frozen meat products.

Bago ito, nakatanggap ng reklamo ang Department of Agriculture (DA) kaugnay sa bentahan ng frozen meat sa isang meat shop sa nasabing lugar.


Nang magsagawa ng inspection ang DA at NMIS, walang maipakitang dokumento ang meat shop.

Dahil dito, kinumpiska ang mga produkto at saka pa nalaman na kinukuha ito sa katabing gusali na nagsisilbing warehouse.

Hinihintay na lamang ng mga kinauukulan ang pagdating ng search warrant mula sa Quezon City Court para mapasok na ang gusali.

Anila, kapag may makita silang meat products sa loob ng gusali at walang maipakitang kaukulang dokumento ay kukumpiskahin ang lahat ng produkto.

Facebook Comments