Ipinagmalaki ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ngayong 19th Congress ang pinakamaraming Cabinet members na pinalusot at inaprubahan ng Commission on Appointments (CA).
Ito ay sa kabila ng 13 sa appointees ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang na-bypass ng CA bunsod ng kakulangan sa panahon at inabutan pa ng recess o session break ng Kongreso.
Ayon kay Zubiri, kung ikukumpara sa 13th, 15th at 17th Congress, hindi hamak na mas marami sa mga myembro ng gabinete ni Pangulong Marcos ang inaprubahan ng kasalukuyang Commission sa kaparehong period o mula sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.
Ngayong 19th Congress ay walo sa 21 mga Kalihim o 38% ang inaprubahan ng CA, kung ikukumpara sa 17th Congress na nasa 31% lang, ang 15th Congress na walang kinumpirma at ang 13th Congress na isa lang ang kinumpirmang cabinet appointment.
Sa kabuuan ay mayroong 152 appointments ang inaprubahan at nai-promote ng CA kasama na rito ang dalawa sa Constitutional Commission, isang miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC), 28 diplomats at 113 military officers.
Binigyang diin pa ni Zubiri na ginampanan ng Commission ang kanilang constitutional duty na makumpirma ang mga itinalaga ng pangulo sa mabilis at epektibong paraan.
Aniya pa, sineryoso ng CA ang confirmation process dahil makikita sa record na ikinunsidera ang mahabang oras at isiningit sa gitna ng budget hearings at imbestigasyon ang marathon hearings ng CA maaprubahan lamang ang marami sa Cabinet members.