
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Cauayan City Water District na sapat ang suplay ng tubig sa buong lungsod ngayong summer season.
Sa panayam ng iFM News Team kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager B ng Water District, sinabi nitong may dalawampung pumping station ang lungsod na nagsusuplay ng tubig at tiniyak na hindi magkakaroon ng kakulangan sa suplay.
Gayunpaman, aminado si Supnet na posible pa ring makaranas ng paghina ng tubig ang ilang konsyumer lalo na tuwing peak hours mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtitipid sa paggamit ng tubig, hindi lamang upang mapanatili ang sapat na suplay kundi upang makatipid rin sa bayarin lalo na ngayong may bahagyang pagtaas sa singil sa tubig.
Dagdag pa ni Supnet, nabawasan ang bilang ng mga konsyumer na napuputulan ng suplay ngayong taon kumpara sa mga nakaraang taon bunsod ng pagtaas ng disconnection fee ng 10%.