CENRO IPINAGBAWAL ANG PAGPAPAKO NG MGA PROTEST POSTERS SA MGA PUNO

Balintuna man ngunit tinatawag ni Community Environment And Natural Resources Officer (CENRO) Imelda Casiwan ang pansin ng environmental group na nagpapako ng kanilang “STOP CUTTING OUR TREES” posters sa mga puno bilang protesta laban sa pagpuputol ng mga puno para sa ginagawang road widening sa Tabuk.

Sinabi ni Casiwan sa grupo na iwasan ang pagpapako ng kanilang protest posters dahil ito ay nakakasama sa mga puno at maari itong maging daan sa pagpasok ng mga nakakapinsalang organism na nakakasira sa mga ito.

Ayon sa kanya, ang pagpapako ng mga posters sa puno ay paglabag sa Section 3 ng RA No. 3571 na ipinagbabawal ang pagputol at pagsira ng mga punong malapit sa mga public roads, paaralan, parke, at iba pang mga pampublikong lugar.

Isang kahalintulad din na probisyon ang nakasaad sa Presidential Decree No. 953 kung saan ang mga lalabag ay maaaring makulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon o pagmumultahin ng Php 500.00 hanggang Php 5,000.00 o pareho depende sa desisyon ng korte.

Hiniling din niya sa mga indibidwal na nasa likod nang pagpapako ng mga poster sa puno na tanggalin ito.

Sinabi ni Casiwan na ayon sa DENR’s national greening initiative, 27,000 na tree seedling ng narra at melina ang itatanim sa mga strategic location kapalit ng mga punong tinanggal para sa road widening.

Facebook Comments