Cauayan City, Isabela- Lalo pang pinaigting ng Task force ‘Oink-oink’ ang pagbabantay sa mga inilatag na checkpoint sa bawat boundary ng bayan sa Lalawigan ng Isabela laban sa African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Retired General Jimmy Rivera, pinuno ng Task Force Oink Oink, mas mahigpit ang kanilang inspeksyon lalo na sa mga pampasaherong bus at UV Express upang matiyak na walang makakalusot na meat products sa Lalawigan.
Lahat aniya ng pork products na walang label, hindi aprubado ng FDA at walang kaukulang permit ay mahigpit na hindi papapasukin sa Isabela.
Kasunod na rin aniya ito sa bagong Executive Order no.7 na nilagdaan ni Isabela Governor Rodito Albano III kung saan ay hinihikayat ang bawat bayan na magbantay sa mismong nasasakupan bukod sa mga inilatag na checkpoint ng kapulisan at Task force Oink-oink.
Dagdag pa ni Rivera, wala pang ulat mula sa DA Region 02 na may kaso ng ASF sa Lalawigan ng Isabela.
Kaugnay nito, patuloy ang kanilang inspeksyon sa mga pamilihan at sa mga ibinebentang meat products sa probinsya.