City of Ilagan, Isabela – Malaki ang naging pasasalamat ni City of Ilagan Mayor Evelyn “Mudz” Diaz sa lahat ng delegado ng Ayala Philippine Athletic Championship Games na nagtapos kagabi sa City of Ilagan Sports Complex.
Aniya, isang karangalan sa lahat ng Isabeleño na napili ang City of Ilagan bilang lugar sa ginanap na national at international sports events.
Malaki umano ang nagawa ng lahat ng miyembro ng City Councils, Department Heads at iba pang agencies tulad ng DepEd, PNP, AFP, BJMP, SOCO, BFP at iba pang lungsod at bayan sa lalawigan ng Isabela at maging ang mga media at sponsors sa naturang palaro.
Higit na pinasalamatan ni Hon. Diaz ang mga delegado mula sa ibat’ ibang bansa na nakibahagi ng kanilang kagalingan sa larangan ng sports kung saan ay isa rin sa naging daan ng mahigpit na pagkakaibigan ng Pilipinas sa bansang Malaysia, Poland, USA,Singapore, UAE at iba pa.
Samantala ang Ayala Philippines Athletic Championship Games ay ginawang entertaintment sports events kung saan bawat araw sa loob ng apat na araw ay may mga concert ng mga kilalang artista ng bansa upang aliwin ang mga atleta.
Sa huling araw ay nagkaroon ng fire musical fireworks bilang pagtatapos ng Ayala Philippine Athletic Championship Games kung saan ay nagpakita ng buong suporta ang mga Isabeleño.