Nilinaw ng mga doktor sa publiko na may kani-kaniyang gamit ang mga facemask na ngayon ay nagkakaroon na ng kakulangan sa merkado.
Sa ginanap na kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Dr. Edsel Maurice Salvana, Director ng Molecular Biology and Biotechnology National Institute of Health and Molecular Technology na hindi epektibong pangontra laban sa 2019 Novela Coronavirus (nCoV) ang clothmask na nabibili sa mga bangketa dahil hindi naman nito nasasala ang mga virus at bacteria sa hangin.
Paliwanag ni Dr. Salvana tanging mga doktor lamang din aniya ang maaaring gumamit ng n95 facemask kung saan may sistema ang paggamit nito lalo na at kailangang saradung-sarado o hindi mapapasok ng hangin ito.
Dagdag pa ni Dr. Salvana na surgical mask lamang o regular na facemask ang maaaring gamitin laban sa virus o bacteria ngunit kailangang sundin ang tamang paggamit nito. Dapat ay nakalabas ang kulay asul dahil ito ang bahagi na nagtataglay ng water repellant habang absorbent naman ang kulay puti na dapat ay nasa loob. Kapag nagamit na ay dapat itapon at huwag ng uulitin ang paggamit nito.