Thursday, February 5, 2026

COC filing para sa special elections sa Antipolo City, nagsimula na; Comelec, may panawagan sa mga maghahain ng kandidatura

Nag-umpisa na ngayong araw ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa idaraos na special elections sa Ikalawang Distrito ng Antipolo City.

Kaugnay nito, patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) kung saan bukas ay nakatakda silang pumirma ng kontrata kasama ang National Printing Office para sa pag-imprenta ng mga balota.

Aminado naman si COMELEC Chairman George Erwin Garcia na problema nila ang gagastusing pondo lalo’t P11 million lamang ang inaprubahan sa kanila.

Nasa P98 million kasi ang inaasahang magagastos ng poll body sa pagsasagawa ng special elections sa nabakanteng pwesto ni dating Rep. Romeo Acop na pumanaw noong nakaraang taon.

Pero sabi ni Garcia, hahanap sila ng pondong mapagkukunan para sa pambayad ng supplies, ballot printing at honoraria ng nga gurong magsisilbi sa halalan.

Samantala, nanawagan ang COMELEC sa mga maghahain ng kanilang COC na huwag nang hintayin ang last minute.

Mula ngayong Huwebes, February 5 hanggang February 7 ang COC filing para sa halalan sa March 14 na inaasahang lalahukan ng nasa 300,000 mga botante.

Facebook Comments