Collector ng ASA Philippines, Patay sa Pamamaril; Bagpack, Tinangay ng mga Suspek

39

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang collector ng lending company matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek kaninang umaga sa provincial road ng Barangay Cabaruan, Tabuk City, Kalinga.

Batay sa imbestigasyon ng Tabuk City Police Station, kinilala ang biktima na si Ryan Christopher Subac, 23-anyos, Micro Finance Officer ng ASA Philippines na nakabase sa Bulanao at tubong Gonzaga, Cagayan.


Ayon sa report ng PNP, galing ang biktima sa pangongolekta ng pera sa mga borrowers ng kumpanya at kaagad rin na umalis matapos makapagkoleta lulan ng kanyang motorsiklo.

Habang binabagtas ng biktima ang provincial road sa Purok 3 ng Barangay Cabaruan pasado alas-10:00 kaninang umaga ng bigla na lang itong tambangan at pagbabarilin sa dibdib ng mga suspek.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima hanggang sa bumagsak ito sa palayan na katabi ng kalsada.

Lumabas pa sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, tinangay ng mga suspek ang bagpack na dala-dala ng biktima.



Tumambad sa mga rumespondeng rescue team ang katawan ng biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo matapos tamaan ng bala ng baril sa dibdib.

Agad din itong isinugod sa Kalinga Provincial Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.


Samantala, narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang apat (4) na basyo ng bala ng caliber 45.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at managot sa krimen.

Facebook Comments