Nangako ang COMELEC na iimbestigaha ang insidente ng stampede sa isang aktibidad ng kampo ni Rose Lin sa Capasco Warehouse sa P. Dela Cruz St., Brgy San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Sa nangyaring stampede, isang lola ang nagtamo ng pilay, at iba pang mga nasugatan.
Batay sa salaysay ng mga nagtungo sa aktibidad, nagpatawag daw ang mga leader ni Rose Lin ng payout na 500 pesos kapalit ng inisyu sa kanilang ID.
Dahil dito, dumagsa ang mga tao mula pa sa ibang lugar kaya lumobo at hindi na nacontrol ang pila hanggang umabot ito sa dalawang libong katao.
Kwento ni Lola Emmie, 74 anyos, matapos makuha ang 500 pesos at palabas na siya ng gate ng warehouse, nag-anunsyo ng cut-off ang mga coordinator at sinabing 1,500 na katao lang ang mabibigyan.
Dito na nag-umpisa ang tulakan at siksikan kung saan marami ang nasaktan.
Si Nanay Marilyn naman, isa ring senior citizen, ay hinimatay habang nasa pila.
Ito na ang pangalawang pagkakataon kung saan may napinsala sa kampanya ni Rose Lin.
Tinawag naman ng kampo ni Rose Lin na fake news ang mga naglabasang balita at ibinintang sa mga kalaban sa pulitika ang mga paninira.