COMELEC, TINIYAK NA WALANG NAGANAP NA DAYAAN SA BILANGAN NG BOTO

Cauayan City – Siniguro ng Commission on Elections (COMELEC) na walang nangyaring dayaan sa bilangan ng boto sa 2025 Midterm Elections.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang mga lumalabas na isyu ukol sa umano’y pandaraya ay dulot lamang ng maling interpretasyon sa paunang datos na nailalabas mula sa mga presinto.

Paliwanag niya, nagkakaroon lamang ng pag-uulit o pagkapareho ng datos sa unang bahagi ng transmission, subalit agad naman itong naitatama sa pamamagitan ng system update.

Dagdag pa ni Garcia, ang mga datos mula sa mga presinto ay awtomatikong nagiging “human-readable” o madaling basahin upang mapadali ang pagsusuri ng mga ito.

Nilinaw rin ng opisyal na walang manipulasyon sa proseso ng pagbibilang. Sa katunayan, inatasan pa umano niya ang mga media outlet at third-party groups na tiyaking malinis at maayos ang kanilang sistema upang maiwasan ang dobleng bilang ng boto mula sa isang presinto.

Binigyang-diin ng COMELEC na ang layunin ng paglalabas ng partial at unofficial results ay upang maging bukas at transparent ang proseso ng halalan sa publiko.

Samantala, tiniyak din ng ahensya na patuloy ang kanilang pagbabantay at pagsusumikap na mapanatiling malinis, maayos, at tapat ang bilangan ng boto sa Halalan 2025.

Facebook Comments