Sunday, April 19, 2026

586.1 KILOS NG RECYCLABLES, NAKOLEKTA SA ISANG UNIBERSIDAD SA ALAMINOS CITY

Umabot sa kabuuang 586.1 kilo ng nareresiklong basura ang nakolekta sa isinagawang Palit-Basura Caravan sa Colegio San Jose De Alaminos Inc., bilang bahagi ng pinaigting na kampanya sa wastong pamamahala ng basura sa lungsod. Ang aktibidad ay pinangunahan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) katuwang ang paaralan, kung saan aktibong nakiisa ang mga guro at mag-aaral.

Sa pamamagitan ng programa, mas napaigting ang kamalayan ng mga kalahok hinggil sa kahalagahan ng tamang paghihiwalay ng basura at pagreresiklo. Kabilang sa mga nakolektang materyales ang papel, karton, lumang baterya, at mga plastik na bote na maaaring muling mapakinabangan.

Layunin ng Palit-Basura Caravan na hikayatin ang mas maraming sektor, lalo na ang mga kabataan, na maging responsable sa pangangalaga ng kapaligiran. Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang institusyon, patuloy na isinusulong ang mga programang naglalayong mabawasan ang basura at mapanatili ang kalinisan sa komunidad.

Ayon sa CENRO, magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan at iba pang organisasyon upang palawakin pa ang ganitong inisyatibo at maisulong ang isang lungsod na may mataas na kamalayan sa pangangalaga sa kalikasan at aktibong partisipasyon ng mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments