
CAUAYAN CITY – Ipinatupad na ng Protected Area Management Board (PAMB) ng Peñablanca Protected Landscape and Seascape (PPLS) ang mahigpit na patakarang “No Hard Hat, No Caving” para sa mga bumibisitang turista sa kilalang Callao Cave.
Ayon kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR Cagayan Valley, layunin ng patakaran na maiwasan ang anumang aksidente habang nagsasagawa ng caving activities. Ipinasa ito sa pamamagitan ng PAMB Resolution No. 03, Series of 2025.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, kinakailangang magsuot ng hard hat ang lahat ng papasok sa kweba. Para dito, maaaring umarkila ng helmet sa halagang 20 piso, na ilalagak sa Integrated Protected Area Fund ng PPLS upang suportahan ang mga proyekto sa pangangalaga ng kalikasan.
Ang Callao Cave ay isang tanyag na destinasyon sa Cagayan, tampok ang pitong limestone chambers at tanawing likas. Kinakailangang akyatin ang 184 baitang upang marating ito. Idineklara rin ito ng National Museum bilang Important Cultural Property dahil sa taglay nitong kasaysayan at arkeolohikal na halaga.