Matutuloy na bukas, July 9, 2020 ang hand-over, pag-bendisyon, at pag-commission sa pinakabagong missile frigate ng Philippine Navy, ang BRP Jose Rizal (FF-150).
Sa ulat ng Philippine Navy, alas-3:00 ng hapon bukas gaganapin ang seremonya sa Alava Wharf sa Subic, Zambales.
Dalawang bahagi ang programa kung saan si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang panauhing pandangal sa hand over at christening ceremony, habang si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang panauhing pandangal sa commissioning ceremony.
Matatandaang orihinal na itinakda ang commissioning ng barko noong June 19, 2020 para kasabay ng araw ng kapanganakan ng pambansang bayani, pero ipinagpaliban ito dahil kinailangang sumailalim sa quarantine ang mga crew.
Ang BRP Jose Rizal na ginawa ng Hyundai Heavy Industries ng South Korea ang kauna-unahang multi-mission capable frigate ng Philippine Navy na may kakayahan sa anti-surface, anti-air, anti-submarine at electronic warfare operations.