Kalibo, Aklan— Pinagbibitiw nalang bilang kongresista si Rep. Sara Elago ng Kabataan Partylist ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict Western Visayas kung hindi nito poproteksyunan ang mga kabataan laban sa mga Communist Terrorist Groups. Ito ay kasunod ng naging post ng kongresista sa Facebook patungkol sa dayalogo ng RTF-ELCAC at mga faculty at officials ng Aklan State University noong January 28, 2021 matapos lumabas sa listahan ng NPA ang pangalan ng eskwelahan na may recruitment. Sa panayam ng RMN DYKR Kalibo kahapon kay Atty. Flosemer Chris Gonzales, sinabi nito na hindi ang task force ang gumawa ng listahan at sa halip ay ang NPA mismo ang siyang nagtala sa eskwelahan na nakapagrecruit sila. Base umano ito sa mga dokumento na narecover ng mga otoridad mula sa mga high ranking NPA leaders na sina Vicente Ladlad at Edelberto Silva na nahuli ng gobyerno. Maliban sa ASU, nakatala rin ang pangalan ng Filamer Christian University sa Capiz, at Central Philippine University sa Iloilo sa nasabing listahan. Ipinalabas lamang umano ni General Parlade ang naturang listahan para malaman ng mga eskwelahan na sinasabi ng CPP NPA na may recruitment at suporta sila mula sa nasabing mga paaralan. Dagdag pa nito na dapat umanong basahin ni Elago ang naging official statement ng ASU at iba pang eskwelahan dahil hindi sila pumayag at wala silang alam tungkol sa listahan ng NPA. Gusto umanong baliktarin ng mga kakampi ng NPA at mga kakampi nitong organisasyon na NTF ELCAC ang naglagay sa mga paaralan sa nasabing listahan. Mismong paaralan ang nakipag ugnayan umano sa kanila kung paano mapoprotektahan ang kanilang mga estudyante laban sa panlilinlang ng nasabing grupo. Base sa post ng kongresista, papaimbestigahan niya umano ang nasabing dayalogo at idadagdag sa kaso ng umanoy red-tagging sa mga eskwelahan. Ayon pa kay Atty. Gonzales na may mali umano kay Elago sa balak nitong gawing congresional investigation dahil tama ang naging hakbang ng eskwelahan para maprotektahan ang mga kabataang estudyante laban sa terorismo. Dapat rin umanong basahing muli ng kongresista ang kanyang sinumpaan bilang myembro ng house of representative. Kung hindi rin umano kayang kondenahin ni Elago ang ginagawa ng CPP-NPA na recruitment sa mga kabataang maging child warrior, ang Kabataan Partylist ay hindi rin seryoso sa pagpoprotekta sa karapatan ng mga kabataan na maging ligtas sa anumang uri ng karahasan at terrorist related activities. Mas mainam pa aniya na bakantihin nalang ng kongresista ang kanyang upuan sa kongreso dahil hindi nito kayang ipaglaban ang karapatan ng mga kabataan na siya sanang dapat gawin ng kanyang partido.
Cong. Sara Elago pinagbibitiw nalang kung hindi kayang proteksyunan ang mga kabataan laban sa CPP-NPA recruitment
Facebook Comments