
Muling nag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals (CA) upang pigilan ang paggalaw ng mga ari-arian at accounts ng mga personalidad at kumpanyang iniuugnay sa umano’y katiwalian sa flood control projects.
Una nang naglabas ang CA ng freeze order laban sa assets ng isang construction company na nakakuha ng mga kontrata at umano’y nangunguna sa mga ghost projects.
Kasama rin sa bagong kautusan ang iba pang personalidad at kumpanya na iniuugnay sa naturang construction company.
Nabatid na nakitaan ng korte ng sapat na batayan para ipitin ang assets ng mga tinukoy na personalidad dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds and Property sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sakop ng utos ang 280 bank accounts, 22 insurance policies, 3 securities accounts, at 8 air assets.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 4,679 bank accounts, 283 insurance policies, 255 motor vehicles, 178 real properties, 16 e-wallet accounts, at 3 securities accounts ang iniipit dahil sa posibleng kaugnayan sa anomalya sa flood control projects.
Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P13 bilyon, na inaasahang tataas pa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council at iba pang ahensya ng pamahalaan.









