Cauayan City, Isabela- Ikinagagalak ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City na walang naitalang fireworks related injuries sa kanilang ospital mula sa araw ng kapaskuhan hanggang sa pagsapit ng bagong taon.
Sa personal na pakikipanayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical chief ng CVMC, ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na walang naiulat na nasugatan dahil sa paputok simula noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko at bago sumapit ang taong 2021.
Ito’y dahil na rin aniya sa patuloy na pagpapaalala ng kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa pagbabawal sa paggamit ng paputok.
Mas mainam na rin aniya na gumamit na lamang ng mga pampaingay na hindi makakapagdulot ng disgrasya upang maipagdiwang ng ligtas at payapa ang pagsalubong sa bagong taon.
Sinabi rin ni Dr. Baggao na mahalagang ipagdiwang ang bagong taon subalit kinakailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at sumunod sa mga health and safety protocols kontra COVID-19.
Payo nito sa publiko na iwasang magtungo sa mga matataong lugar at kung maaari ay salubungin na lamang ang bagong taon sa loob ng tahanan kasama ang pamilya upang makaiwas sa anumang hindi inaasahang insidente.
Mensahe naman nito sa lahat na huwag dapat kalimutang magbigay ng pasasalamat sa Maykapal sa kabila ng mga naranasang sakuna at pandemya dahil sa mga biyayang ipinagkakaloob pa rin nito at dahil sa isa nanamang bagong buhay at bagong taon.