Manila, Philippines – Bigo pang maghain ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) si Rappler CEO Maria Ressa at iba pang respondents sa cyber libel case na inihain ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Tanging ang isa sa mga akusado lamang na si Rappler Director Jose Maria Hofileña ang nakapag-subscribe sa kanyang Counter-Affidavit.
Sa April 10 ang susunod na pagdinig sa kaso kung saan ang complainant na si Keng ay ina-asahan naman na magsu-subscribe sa kanyang complaint.
Ang reklamong cyber libel laban kina Ressa at walong iba pang opisyal ng libel ay nag-ugat sa inilabas na artikulo ng Rappler sa website nito noong May 29, 2012 na ni-repost noong February 19, 2014 na tinukoy na pagmamay-ari raw ni Keng ang itim na SUV na ginagamit noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
Inakusahan din si Keng ng pagkakasangkot sa ibat ibang mga krimen.
Ayon sa NBI, bagamat orihinal na nalathala ang artikulo noong 2012 at na-update noong 2014, ay patuloy pa ring nababasa sa website ng Rappler ang ulat.
Sinabi ng National Bureau of Investigations (NBI) na ang continuous online publication ng nasabing report ay maituturing na continuous crime maliban kung ito ay tuluyang inalis na sa website ng Rappler.
Nagsagawa pa ang NBI ng computer forensic examination sa website ng Rappler at napatunayang patuloy pa rin itong nakalathala sa Rappler hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang din sa mga kinasuhan ang mga direktor at opisyal ng news site na sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza, at Dan Alber De Padua.