Cabatuan,Isabela- Hindi nagdalawang-isip ang isa sa mga drug identified na nasa watch list ng Cabatuan, Isabela sa isinagawang Oplan Tokhang kahapon ng umaga, Pebrero 1, 2018.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Deputy COP Police Senior Inspector Reynaldo Junio, kaagad umanong sumuko ang nasabing personalidad matapos tokhangin ng mga pulis ang bahay nito sa Brgy. Sampaloc.
Aniya, nakasama ng kanyang grupo sa operasyon ang ilang kasapi ng Barangay Drug Abuse Council o BADAC.
Ayon pa kay Inspector Junio, kabilang ang surrenderer sa labindalawang (12) drug identified na nasa watch list.
Ibinahagi rin ng nasabing opisyal na sa loob ng apat na araw, nakausap na rin nila ang mga kamag-anak ng labing-isa pang kabilang sa mga nasa watch list.
Patuloy pa rin umano ang kanilang gagawing paghikayat sa mga DI para sumuko upang matanggal ang kanilang mga pangalan sa listahan at maipasok sila sa Community Based Rehabilitation Program o CBRP.
Gayunpaman, hiniling ni Junio sa mga kabilang sa watch list, ganundin sa mga kamag-anak ng mga ito, na unawain at huwag masamain ang isinasagawang oplan tokhang dahil ang tanging layunin lamang nito ay mapasuko at tuluyang matanggal ang kanilang pangalan at di na muling mapabilang sa listahan ng mga drug identified.